Chapter 11
Chapter 11
“YOU LOOK exceptionally happy today. Naalala kong ganyang-ganyan ang itsura ni Maggy nang
malaman niyang buntis siya.”
Matamis na napangiti si Yalena sa mga narinig mula kay Clarice. Sila lang ng matalik na kaibigan ang
nasa hallway ng ospital at naghihintay sa paglabas ng doktor mula sa operating room. Hindi pa sila
nakakapag-usap ni Ansel tungkol sa ipinagbubuntis niya noong nagdaang gabi pag-uwi niya mula sa
Olongapo dahil hindi pa ito umuuwi.
Binisita ni Ansel ang planta sa Quezon at dederetso raw muna ang binata sa opisina nito dahil may
meeting pang kailangang puntahan kaya nakapagpasya si Yalena na sorpresahin na lang ang binata
sa opisina. Papunta na siya roon nang tumawag sa kanya si Austin. Pumutok umano ang panubigan
ng kakambal niya at dinala na nito sa ospital si Maggy na si Yalena raw ang hinahanap kaya doon na
lang siya dumeretso.
Sa kabila ng paghilab ng tiyan ni Maggy ay hindi ito pumayag na manganak nang wala si Austin sa tabi
nito kaya sa huli ay nahikayat na rin ang mga doktor na isama si Austin sa loob ng operating room
kahit na parang mauuna pang bibigay ang bayaw niya kaysa sa kakambal dahil si Austin ang mukhang
mas natataranta at namumutla kaysa kay Maggy. Naabutan na ni Yalena sa ospital si Clarice na
inihatid doon ni Alano habang si Ansel ay hindi niya ma-contact. Naipilig niya ang ulo. Siguro ay nasa
meeting pa ito.
“I know this is supposed to be Maggy’s moment. Pero since nasa O.R pa siya, makiki-moment na
muna ako. Ako muna ang i-video mo. Hindi ‘yong puro pinto ang kinukuhanan mo.” Dahil excited din si
Clarice sa ipinagbubuntis ni Maggy ay nagdala ito ng videocam para mai-record sana ang pagli-labor ni
Maggy pero si Austin lang ang hinayaang makapasok sa operating room. Iniharap niya sa kanya ang
videocam ni Clarice. Kinindatan ni Yalena ang kaibigan. “Okay na ba? Pwede na akong mag-moment?”
Natawa si Clarice. “Fine.” Tuluyan na nitong itinutok sa kanya ang videocam.
Mapaglarong tumikhim-tikhim pa kunwari si Yalena bago kumaway sa harap ng camera. “Ipakita mo
kaagad ito kay Maggy mamaya, ha?” Masiglang tumawa siya. “Maggy and Clarice, I’m pregnant.
Seven weeks na.”
Nanlaki ang mga mata ni Clarice.
“Ang daya-daya ko. Dapat si Ansel ang unang makakaalam nito pero nauna ko nang sinabi sa Mama
niya. Yes, I met with Alexandra and Benedict yesterday. Nang malaman kong buntis ako, parang may
kung anong sumapi sa akin. Tumapang ako bigla. Kinaya ko.” Nagmamalaki siyang ngumiti. “Hindi ko
masasabing okay na kami. But I know one day, we will be. And Clarice, I’m so happy right now. May
bahagi sa akin ang nakahinga na nang maluwag. Sana magtuloy-tuloy na ang sayang ito.” Magsasalita
pa sana si Yalena nang tumunog ang cell phone niya. Pagsilip niya sa screen niyon ay si Radha ang
tumatawag.
Nagpaalam si Yalena kay Clarice at bahagyang lumayo sa huli bago niya sinagot ang tawag ni Radha.
“Finally, you called! Ano ba’ng nangyari sa `yo? Ilang beses kitang tinawagan pero naka-off ang phone
mo. How’s your baby? Nanganak ka na two months ago, `di ba?”
“Hindi ako mapakali,” sa halip ay sagot ni Radha sa kabilang linya. “Four months ago, I saw Dennis
talking to Jerome and Carlos. Parati kong nakikita noon sina Jerome at Carlos tuwing bumibisita ako sa
bahay n’yo, Ma’am. May-ari ng isang security agency si Dennis at posibleng nakilala niya sina Jerome
dahil doon kaya alam kong dapat balewalain ko na lang ‘yon kung tutuusin. There’s just something
different about them. Nahuli nila akong nakatingin sa kanila isang gabi. Nagkataong sa isang
restaurant ‘yon kung saan kami kumakain ng asawa ko. They looked… a little murderous. So I kept
digging. Instinct, I guess.
Nag-imbestiga na rin ako tungkol sa napag-alaman kong mga pangalan nina Jerome at Carlos. Ilang
ulit ko rin silang napansing padaan-daan sa tapat ng bahay n’yo noon, Ma’am. And you know what I
found out? Isang araw, pagkatapos mong lumipat sa village, lumipat din sila roon. Pakiramdam ko,
minamanmanan ka nila, Ma’am.”
“Radha, that’s ridiculous. Baka coincidence lang ‘yon. Saka ano naman ngayon kung lumipat rin sila—”
“Mga tauhan sila ni Dennis sa security agency, Ma’am. Kapitbahay rin sila ni Dennis noon sa squatters’
area sa Valenzuela,” putol ni Radha sa mga sasabihin ni Yalena. “Mga namatayan din sila ng pamilya
nang araw na ipagiba ni Benedict ang mga bahay sa nabili niyang lupa sa Valenzuela. Jerome lost his
son. Carlos lost his father.”
Napaawang ang bibig ni Yalena.
“Carlos was into drugs. Nalaman ni Jerome na iniimbestigahan ko sila. For months ago, na-hit and run
ako ng kotse niya. Obviously, sinuwerte akong mabuhay.” Natawa si Radha sa kabilang linya pero
walang kasimpait iyon sa pandinig ni Yalena. “Pero hindi sinuwerte ang bata sa sinapupunan ko,
Ma’am. Unconscious din ako ng ilang linggo. Magpe-Pebrero na nang magkamalay ako. Dinala ako ni
Baron sa Amerika para magpagaling.” Tukoy ni Radha sa asawa nito. “He was so mad. He wanted me
to pull out from this mission. Pagkatapos ng mga nangyari, ginusto ko na ring tumigil na lang talaga,
Ma’am. Pero hindi ako matahimik. I’m sorry. I called a little late. Lumayo na kayo kay Dennis, Ma’am.
Lumipat na rin kayo ng village.
“The McClennans are rich. Ask for a security. Because Dennis, Jerome, and Carlos are dangerous,
Ma’am. Wala na sila sa tamang pag-iisip. Nagkataon lang na mahigpit ang seguridad noon sa
mansiyon ng mga McClennan kaya buhay pa si Benedict. Pero sa oras na makahanap sila ng
pagkakataon, siguradong gagantihan pa rin nila ang matanda. Mag-ingat kayo, Ma’am. Ipadadala ko
ang ilang impormasyon sa e-mail n’yo kasama ng mga litrato nina Jerome at Dennis.” Iyon lang at
nawala na si Radha sa kabilang linya.
Ilang ulit na napabuga ng hangin si Yalena para kalmahin ang sarili. Hindi nagtagal ay natanggap niya
ang e-mail ni Radha. Napatakip siya sa kanyang bibig nang makita ang litrato nina Jerome at Carlos.
Si Jerome ang siyang nagpakilala pa noon sa kanya sa supermarket at siyang pinagselosan pa ni
Ansel.
Oh, God. Nanginginig ang mga daliring idinayal niya ang numero ni Dennis.
“Dennis, kailangan nating mag-usap—”
“`Wag ngayon, Yalena. I have tons of things to do right now. Lalo na ngayong natunton na namin si
Benedict. I knew it. You are going to be very useful to us. Ikaw rin ang may kasalanan nito. Hindi ka
masyadong nag-iingat. Nasundan ka tuloy ng alagad ko kahapon.” Tumawa si Dennis. “Saan na nga
ba `yon? Ah, Olongapo.”
Kumabog ang dibdib ni Yalena. “Dennis, please—”
“I’ve been through a major soul-searching, Yalena. Pero walang nagbago sa akin kaya heto,” parang
walang anumang sagot ni Dennis. “Tuloy ang plano. Nagpadala nga pala ako ng munting regalo sa
opisina ni Ansel. Ipagdasal mo na lang na sana magustuhan niya. Damay-damay na `to. Ciao!”
Nanayo ang mga balahibo sa batok ni Yalena nang marinig ang paghalakhak ni Dennis sa kabilang
linya bago nito tinapos ang tawag. Nagmamadaling lumabas siya ng ospital. Hindi niya na
napagtuunan ng atensiyon ang pagtawag sa kanya ni Clarice. Kumakabog pa rin ang dibdib na
nagpunta siya sa parking lot at nagmaneho pabalik sa Olongapo.
“GUSTO kita, Dennis. Alam mo kung sino ang kakaibiganin mo. Many times over the last years, I
wished Benedict McClennan dead so I wouldn’t have a reason to come back to this country anymore,
so I could finally move on. But then again, he remains alive. Simula ngayon, tawagin mo na lang akong
Yalena.”
Parang masisiraan ng bait na naisuklay ni Ansel ang mga daliri sa kanyang buhok sa paulit-ulit na pag-
alingawngaw ng boses na iyon ni Yalena sa kanyang isipan. Naninigas ang mga daliring dinampot niya
ang mga litrato sa kanyang mesa pati na ang mga papeles na kasama niyon kung saan nakasaad ang
kumpletong impormasyon tungkol sa buhay ng mga de Lara. Agad ding nabitawan niya ang mga iyon.
Napatayo siya mula sa kanyang swivel chair. Pakiramdam niya ay nauubusan siya ng hininga. Inalis
niya ang kanyang kurbata at binuksan ang unang dalawang butones ng suot na long sleeves polo pero
ganoon pa rin ang pakiramdam niya.
Nang umagang iyon ay may nadatnan siyang brown envelope sa kanyang mesa pagpasok niya sa
opisina. May pulang ribbon pa iyon. Ayon sa kanyang secretary ay may lalaking nagpadala niyon para
sa kanya. USB ang nasa loob ng envelope, mga litrato nina Yalena at Dennis na lihim na nagkikita sa
opisina nito sa security agency o kaya sa mismong bahay ni Yalena na parang may importanteng
pinag-uusapan.
May mga papeles din tungkol sa mga de Lara at sa mga ibinintang ng panig ng mga iyon noon sa
kanyang ama sa kasong arson pero ang pinakamatindi ay ang kasong murder na isinampa ng tiyuhin
nina Maggy at Yalena noon pati na ng ina ni Clarice laban sa kanyang ama na ayon sa mga ito ay utak
umano ng kamatayan nina Roman Alvero at ng mag-asawang Vicente at Selena de Lara.
Matapos mabasa ni Ansel ang mga papeles ay isinaksak niya ang USB sa laptop niya. Puro voice
recordings ang laman niyon. Mga boses nina Yalena at Dennis na magkasamang nagpaplano tungkol
sa paghihiganti sa kanyang ama. Nang silipin ni Ansel ang CCTV ng security room para malaman ang
mukha ng taong nagpadala ng envelope ay nabigo rin siyang mamukhaan dahil nakasuot iyon ng dark
sunglasses at bull cap pero nakasisiguro siyang hindi iyon si Dennis dahil mas maliit ang lalaki at mas
mapusyaw ang balat kompara sa dating bodyguard ni Yalena. novelbin
Ubod-lakas na nasuntok niya ang kanyang mesa. Nabasag ang salaming nasa ibabaw niyon. Dumugo
ang kanyang kamao. Paulit-ulit na sinuntok niya ang mesa sa pag-asam na malilipat sa kamao niya
ang kanyang atensiyon, na mababaling doon ang sakit na nadarama niya sa kanyang puso. Pero
walang-wala pa rin ang pisikal na sakit kompara sa sakit ng naghuhumiyaw na realidad. Nag-iinit ang
mga matang sinipa niya ang mesa. Nagkalat ang lahat ng nasa ibabaw niyon nang tumaob iyon. Sa
isang iglap ay nagulo ang kanyang opisina na noon lang nangyari.
Napatitig si Ansel sa mga dokumento, panulat, at iba pang disenyo ng kanyang mesa na bumagsak sa
carpet pati na sa mga bubog na dulot ng nabasag na salamin. Kung sana ay kasindali lang ng paglinis
sa mga iyon niya malilinis ang mga natuklasang kalat sa buhay niya. Napasigaw siya kasabay ng
pagsipa rin sa kanyang swivel chair. Hindi niya alam kung paano niya magagawang iproseso sa isip
lahat ng mga natuklasan. Sa isang iglap ay gumuho ang lahat sa kanya. Nawasak ang mga
pinaniniwalaan niya tungkol sa ama.
Lahat ay kaya niyang tanggapin para sa iniidolong ama pero para ituro itong mamamatay-tao ng mga
Alvero at de Lara ay hindi niya alam kung matatanggap niya. Paano iyon magagawa ng kanyang ama?
At sina Clarice, Maggy at Yalena, ano’ng ibig sabihin ng magkakasunod na pagdating ng mga ito sa
buhay nilang magkakapatid? Para maghiganti?
Naupo siya sa sahig. Napahawak siya sa kanyang noo. Si Yalena, ang kauna-unahang babaeng
pinahalagahan niya ng higit sa buhay niya ay lumalabas na ginagamit lang siya. Hindi
maipagkakamaling boses nito ang nasa recorder sa USB.
Paano magagawang tanggapin ni Ansel na ang lahat ng mga nangyari sa kanila ay pakana lang ni
Yalena? Na bahagi lang ng plano ng babae para makapaghiganti kasama si Dennis na tulad nito ay
may galit din sa kanyang ama? Natuklasan niya ang nangyari sa isang squatters area sa Valenzuela
kung saan nakatayo na ngayon ang kanilang resort. Kasama iyon sa mga ipinadalang impormasyon sa
kanya. Shit. Tumulo ang kanyang mga luha.
Nang tumunog ang kanyang cell phone ay walang lakas na hinugot niya iyon mula sa bulsa ng
kanyang pantalon. Si Juana ang tumatawag, ito ang mayordoma sa rest house nila sa Olongapo kung
saan nakatira ang kanyang mga magulang. Sinagot niya ang tawag nito tutal ay kailangan niya ring
makausap ang kanyang ina para malinawan siya.
“Juana, bago ang lahat, pakibigay na muna ang phone kay Mama—” Natensiyon si Ansel nang
makarinig ng kung anong sunod-sunod na pagputok mula sa kabilang linya. Matapos niyon ay halos
mabingi siya sa narinig na malakas na pagkalabog ng kung ano. Wala na rin siyang narinig mula sa
kabilang linya. Kumabog ang dibdib niya. “Juana!” Naputol na ang tawag.
Nagmamadaling lumabas si Ansel ng kanyang opisina at halos takbuhin ang kanyang kotse. Nang
magmamaneho na sana siya ay natigilan siya sa pagragasa ng isang partikular na alaala sa kanyang
isipan. Iyon ay nang itanong ni Yalena ang address ng kanyang mga magulang at agad niya iyong
sinagot noon.
Nahampas niya ang manibela.
“Yalena! Don’t you dare!” Nanginginig ang mga kalamnang pinaharurot niya ang kanyang sasakyan.